Ikinagalak ni Maguindanao Governor Bai Mariam Mangudadatu ang patuloy na pagkakaisa ng mga Local Government Units sa Maguindanao Province at 1st Mechanized Infantry (Maasahan) Brigade sa kampanyang pangkapayapaan matapos idinaus ang 6th Activation Anniversary nito sa Barangay Kalandagan, Tacurong City Linggo ng umaga (October 16, 2022).
Sinabi ni Gov. Mangudadatu, ang patuloy na pagkakaisa ng mga LGUs sa kanyang probinsya kung saan nasa area of operation ng 1MechBde ay may magandang naidulot sa kaunlaran ng probinsya at komunidad.
“Patuloy tayong magtulungan. We need to unite kung papaano natin mapanatili ang katahimikan sa ating lugar”, ang naging pahayag ni Gov. Mangudadatu sa kanyang pagdalo sa 6th Activation Anniversary ng 1MechBde.
Binigyang pagkilala naman ni Brig. Gen. Pedro Balisi Jr., Brigade Commander ng 1MechBde ang mga Local Chief Executives na nasa kanilang area of operation.
“Kinikilala namin kayo dahil sa inyong pagtulong sa kasundaluhan para mapagtagumpayan namin ang pagtupad sa mandato na mabigyan ng seguridad ang komunidad”, ayon kay Brig. Gen. Balisi.
Sinuportahan naman ni Maj. Gen. Efren Baluyot, Commander ng Armor Division ang naging pahayag ni Gov. Mangudadatu.
“Sa pinagsama nating pagsisikap at pagtutulungan, natutugunan natin na maging mapayapa at maunlad itong lugar”, pahayag ni Maj. Gen. Baluyot.
Pinasalamatan naman ni Joint Task Force Central at 6th Infantry (Kampilan) Division Commander Major General Roy Galido ang Provincial Local Chief Executive.
“Kami ay nagpapasalamat na kayo ay aming katuwang sa pagkamit ng kapayapaan at kaunlaran hindi lamang sa lugar na ito kundi sa buong Central at South-Central Mindanao”, ayon kay Maj. Gen. Galido. (Victor Baldemor)