Latest News

MAGTIYO, PATAY SA SUNOG SA TONDO

By: Baby Cuevas

NASAWI ang isang magtiyuhin nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Tondo, Myanila nitong Linggo ng hapon.

Ang mga biktima na di na pinangalanan ay isang lalaki, na edad 57 at isang babaeng 42-anyos.

Sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), ang sunog ay sumiklab alas-4:39 ng hapon sa tatlong palapag na tahanan na matatagpuan sa Barrio Menu, Tondo, Manila at pagma-may-ari ng pamilya Pua.


Kaagad naman umanong nagtulong-tulong ang mga residente para maapula ang apoy ngunit naging mabilis ang pagkalat nito dahil gawa umano ang tahanan sa light materials.

Ayon kay Joel Pua, anak ng lalaking biktima, kasalukuyan silang nasa ikatlong palapag ng tahanan nang sumiklab ang sunog.


Nakababa na umano sila ng bahay ngunit bumalik pa ang ama sa loob upang sagipin ang kanyang pinsan na naiwan sa loob. Gayunman, maging ito ay na-trap na rin sa loob nasawi.

Nang maapula ang apoy, dito na umano nadiskubre ang bangkay ng mga biktima na nasa ikatlong palapag ng tahanan.


Nasugatan rin sa sunog ang may-ari ng tahanan na si Joseph Pua.

Ayon sa BFP, alas-5:34 ng hapon nang maapula ang apoy na umabot sa unang alarma at tumupok sa itinatayang aabot sa P50,000 halaga ng mga ari-arian.

Kasalukuyang inaalam pa ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog.

Tags: Manila Bureau of Fire Protection.(BFP)

You May Also Like