UMAKYAT na sa 10 ang naitalang nasawi ng National Disaster Risk Reduction Management Council bunsod ng naganap na magnitude 7.0 earthquake sa hilagang Luzon na ikinasugat din ng may 375 katao nuong Miyerkules.
Ito ay makaraang madagdag ang apat kataong kabilang sa mga missing person na natabunan sa naganap na pagguho ng lupa sa Abra.
Nitong nakalipas na Linggo ay naibalik na sa kani-kanilang lugar ang labi ng apat na kalalakihang natabunan sa nangyaring landslide dahil sa lindol sa Luba, Abra. Nitong Biyernes lang na-recover ang bangkay ng mga biktima na gumagawa sa covered court nang mangyari ang trahedya
Batay sa ulat na inilabas ng NDRRMC kahapon ng umaga bukod sa 10 nasawi, nakapagtala din sila ng 375 katao na nasugatan kung saan karamihan dito ay mga babae na may edad 25 hanggang 60- anyos.
Nasa mahigit 314,000 indibidwal mula sa tatlong rehiyon ang apektado ng malakas na lindol.
Nitong nagdaang linggo ay nagparating ng kanyang “message of condolences” si Chinese President Xi Jinping sa kanyang Philippine counterpart na si Pangulong Ferdinand Romualdez Marcos, Jr., kaugnay sa kalamidad bunsod ng lindol.
Sa kanyang mensahe ay sinabi ni Xi na siya ay nabigla nang malaman niyang nagdulot ng kamatayan at pagkasira ng mga ari-arian ang naganap na lindol sa Pilipinas.
Sa ngalan ng Chinese government at ng mamamayan nito ay ipinarating ni President Xi ang taos-pusong pakikiramay sa mga nasawi at pakikisimpatiya sa mga naulila na pamilya at sa mga nasugatan.
Naniniwala si Xi na sa pamumuno ni President Marcos at ng pamahalaan ng Pilipinas ay madaling makakabangon at makakabawi ang mga tao para malalagpasan nila ang kalamidad at maitatayong muli ang mga nasirang bahay.
Ayon kay NDRRMC Executive Director USec. Ricardo Jalad, nasa 34,291 katao ang na-displace at nasa mahigit 3,800 ang nananatili ngayon sa 42 evacuation centers.
Iniulat din ng ahensiya na nasa 21,890 kabahayan ang nasira kung saan karamihan dito ay partially-damaged.
Sa ngayon ay nasa 43 roads at pitong tulay ang nasira subalit 84 percent na sa mga ito ay passable na sa lahat ng mga sasakyan, habang ang 48 na bayan at siyudad na nawalan ng power supply matapos ang malakas na lindol ay mayroon nang kuryente.
Nasa 27 na mga lugar ang isinailalim ngayon sa state of calamity.
Umabot na rin sa P414.2 million ang pinsala na naitala sa imprastraktura.
Nasa P11.6 million na halaga ng tulong ang naipamahagi na ngayon ng gobyerno. (VICTOR BALDEMOR)














