INIHAYAG ng Philippine Institutes of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na posibleng umabot sa 33,000 ang bilang ng masasawi at masasaktan sakaling sa Metro Manila tumama ang 7.4 na lindol na naganap kamakailan sa Surigao del Sur .
Ito ang dahilan kaya nanawagan si Defense Secretary Gilberto Teodoro sa publiko na seryosohin ang mga isinagawang earthquake drill kasunod na rin ng naganap na paglindol sa Sarangani at Surigao del Sur .
Hindi rin inaalis ng mga eksperto na magkaroong ng magkasunod o magkasabay na malakas na paglindol sa Pilipinas dahil sa dami ng mga active fault lines .
Nilinaw ni Phivolcs chief Teresito Bacolcol na ang naganap na November 17 earthquake sa Sarangani ay hindi konektado sa naganap na paglindol kamakailan sa Hinatuan Surigao del Sur, dahil magkaiba umanong earthquake generators ang dahilan ng pagyanig.
“We have 6 active trenches and we have 175 active faults, so there is always a probability na pwedeng magkasabay,” anang eksperto, dahilan para muling ipaalam sa sambayanan na ang kahalintulad na magnitude 7.2 earthquake na magmumula sa West Valley Fault ay maaring dahilan na mag iwan ng 33,000 casualties sa Metro Manila.
Sa ginanap na situation briefing kasunod ng lindol na tumama sa Surigao del Sur, inihayag ng National Disaster Risk Reduction Management Council national chairman: ulitin namin ang paalala sa aming mga kababayan at sa mga LGUs, na seryosohin ang mga earthquake precautions natin.”
Pinapurihan ni Teodoro ang naging maagap na pagkilos ng Office of Civil Defense kasunod ng lindol na tumama sa Hintuan noong Sabado ng gabi na sinasabing may isang babaeng buntis ang nasawi at may apat na sugatan.
“Awa ng Diyos, hindi malaki ang danyos na nangyari sa lindol na ito,” anang kalihim.
Ang NDRRMC ay inilagay sa Blue Alert nitong Linggo para sa tuloy-tuloy na monitoring at damage assessment.
Patuloy naman ang koordinasyon ng OCD sa NDRRMC at local disaster risk reduction and management offices tungkol sa naganap na magnitude 6.8 lindol na tumama sa Sarangani, Davao Occidental na kumitil ng 11 katao.