Dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang lalaking suspek na nakunan sa CCTV na nagnanakaw ng celphone at Ipad ng estudyante sa Sampaloc, Maynila noong Mayo 3.
Kinilala ni MPD Police Station 14 commander P/Lt. Colonel Roberto Mupas ang suspek na si Raymond Isidro Azaña, na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 844 ng Revised Ordinance (Breach of Peace) at Republic Act 10591 (Comprehensive Firearm and Ammunition Act).
Napag-alaman na sa panahong siya ay naaresto ay nahulihan ito ng baril at naghahamon ng away sa University Belt, sa panulukan ng Quezon Boulevard at Lerma St., sakop ng Barangay 395, Sampaloc, Maynila.
Ayon sa ulat, nagpapanggap na estudyante ang biktima kaya nakakapasok sa mga prestihiyosong unibersidad.
Ang suspek ay isa umanong notoryus na “Oslo at Salisi” na minsan ay nanghoholdap at minsan ay salisi ang lakad.
Sinabi ni Col. Mupas na sa ikinasang “Oplan Sebo” ng Team Barbosa noong Mayo 3 na rumesponde ang grupo sa nai-report na komosyon sa nasabing lugar kaya nadakip ang suspek na may dalang kalibre .38 baril habang naghahamon ng gulo.
Batay sa kuha ng CCTV noong Abril 2023, ang suspek ay nakitang sinipa ang isang celphone, pinulot at inilagay sa kanyang sling bag. Matapos niyan ay muli itong lumapit sa mga gamit ng estudyante at kinuha mula sa lamesa ang isang Ipad at muling isinilid ito sa kaniyang sling bag.
Hindi ito napansin ng mga estudyante na ‘busy’ sa pakikinig sa guro ng Physical Education class.
Ilang kuha din ng cellphone ang nakalap ng awtoridad hinggil sa presensya ng suspek sa unibersidad.
Lumabas sa imbestigasyon na may patong-patong nang reklamo laban kay Azaña, kung saan nakapambiktima na siya ng iba pang estudyante sa tatlong private universities sa Maynila.
Nakuha ang isang baril kay Azaña, na umaming pumapasok sa mga eskuwelahan para magnakaw.
Napag-alaman na lulong umano ang suspek sa sugal kaya nagagawa ang iligal na aktibidad, batay na din sa pag-amin niya sa pulisya.