BRUTAL na pinatay ang isang mag-live in partner matapos martilyuhin sa ulo at saksakin ng dalawang suspek na pinatuloy nila sa kanilang bahay noong Biyernes ng gabi sa Sta.Ana, Maynila.
Hindi muna ibinigay ni PCapt Dennis Turla,hepe ng Manila Police District -homicide section, ang pagkakakilanlan ng dalawang biktima dahil wala pa umanong clearance.
Ayon sa ulat, natagpuang walang buhay ang maglive-in kung saan ang babae ay minartilyo habang ang kinakasama naman nito ay may mga saksak pa sa iba’t -ibang bahagi ng katawan bukod sa minartilyo rin.
Ang lalaking biktima ay natagpuan malapit sa comfort room.
Ang insidente ay nangyari pasado alas- 10 ng gabi, kung saan bumili pa muna ng pagkain at sigarilyo ang magkalive- in.
Nahagip sa CCTV ang pagtakbo ng dalawang suspek palabas ng bahay ng mga biktima. Isa sa suspek ay dating nakatira sa nasabing lugar.
Samantala, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa krimen at ang pagtugis sa mga suspek.














