PATAY ang Isang magkapatid nang sumiklab ang isang sunog sa isang residential area sa Mandaluyong City nitong Sabado ng umaga.
Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa pinangalanan ang mga biktima na nagkakaedad lamang ng lima at walong taong gulang.
Ayon sa sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), alas-7:16 ng umaga nang magsimulang sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag ng isang tatlong palapag na makeshift na bahay, na matatagpuan sa Block 37 extension, sa Brgy. Addition Hills na pagma-may-ari ng isang Maria Kristina Arcelli at inookupa ng isang Enriquez De Guzman.
Hindi umano makalabas ng bahay ang mga paslit na nagresulta sa pagkamatay ng mga ito.
Nabatid na umabot lamang ng ikalawang alarma ang sunog bago naideklarang fireout dakong alas-7:55 ng umaga attuluyan naman itong naapula pagsapit ng alas-8:37 ng umaga.
Anang BFP, nasa 10 tahanan ang tinupok ng apoy, at aabot sa 30 pamilya ang naapektuhan nito.
Samantala, inaaalam pa ng mga otoridad ang pinagmulan ng sunog na tumupok sa tinatayang aabot sa P150,000 halaga ng mga ari-arian. (Carlo Angelo)














