Latest News

MAG-INGAT SA MALA-TRANGKASONG SAKIT, BABALA NG DOH

By: ARIANNE JAYMEL

Mag-ingat laban sa mga influenza-like illnesses (ILIs) o mala-trangkasong sakit bunsod na rin ng malamig na panahon sa bansa.

Ito ang ipinayo ng Department of Health (DOH) sa publiko, kasabay ng babala na kalimitang dumarami ang dinadapuan ng naturang karamdaman kapag panahon ng taglamig.


Ipinaliwanag ni Health Assistant Secretary at Spokesperson Albert Domingo na dahil sa malamig na panahon at pagbabago ng moisture content ng hangin, naninibago at naiirita ang ating respiratory tract, o ang daanan ng hangin sa ating katawan, kahit walang virus o bacteria.

Una nang sinabi ng DOH na wala itongnaitatalang pagtaas ng ILIs sa bansa.


Sa katunayan, base sa datos na inilabas ng DOH nitong Huwebes ay bumaba pa umano ito.

Sa monitoring ng DOH, hanggang Enero 18 ay nasa 5,789 ILIs ang naitala sa bansa. Ito ay 54% na mas mababa kumpara sa naitalang kaso sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon, kung kailan nakapagtala ang DOH ng 12,620 ILIs.


Pinayuhan ng DOH ang publiko na regular na maghugas ng kamay, uminom ng maraming tubig, kumain ng masustansiyang pagkain at matulog nang sapat upang mapanatiling malusog ang katawan at malayo sa sakit.

Sakali naman umanong nakakaramdam na ng mga sintomas ng ILIs ay manatili na lamang muna sa bahay at magpahinga at ugaliing magsuot ng face mask.

Una nang sinabi ng PAGASA na magpapatuloy ang malamig na panahon sa buwan ng Pebrero.

Tags: Department of Health (DOH)

You May Also Like

Most Read