Latest News

MAG-INA, ARESTADO DAHIL SA ASO; 25 KILONG SHABU, TANGKANG IPUSLIT SA PANTALAN

By: Victor Baldemor Ruiz

HINDI nakalusot sa matalas na pang-amoy ng K-9 unit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 25 kilo ng shabu na tinangkang ipuslit ng isang mag -ina sa pantalan sa Cebu City.

Arestado ang mag-ina nang maaktuhan sila na may dalang bagahe na naglalaman ng shabu na itinatayang nagkakahalaga ng P170 million. Nasabat sila ng mga awtoridad kasunod ng isinagawang routine K9 Inspection sa Pier 4 sa lungsod ng Cebu.

Sa ulat na ipinarating sa tanggapan ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo, isang 41-anyos na lalaki, kasama ang kanyang ina na bumiyahe mula Masbate patungong Cebu City sakay ng RORO, ang nahulihan ng 25 packs ng shabu na tumitimbang ng isang kilo bawat pakete at nakatago sa loob ng kanilang sasakyan.


Hindi ito nakalusot sa routine narcotics K9 inspection ng mga tauhan ng PDEA 7 Seaport Interdiction Unit Cebu, katuwang ang Naval Forces Central, PRO-7 Regional Police Drug Enforcement Unit, PNP Drug Enforcement Group, PNP Maritime Group, Philippine Coast Guard, Cebu Port Authority Police, Bureau of Customs at Cebu City Police Office Station 4, sa Pier 5, Barangay Carreta, Cebu City bandang alas -7:30 kahapon ng umaga.

Kinilala ang mga suspects na isang alias Edward (driver ng kotse), 41, truck driver na naninirahan sa Isabel, Leyte at ina nitong si Edna, 63. Sila ay kapwa naninirahan sa Barangay Ermita, Cebu City.


Agad na nagsagawa ng on-site screening test ang mga chemists ng PDEA 7 Regional Office Laboratory sa mga nakumpiskang kontrabando at lumitaw na positibo ito sa presensya ng methamphetamine hydrochloride o shabu.

Dinala ang mga nasabing drug evidence sa PDEA-7 laboratory para sa ‘confirmatory test and for proper disposition’.


Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5, Article II of RA 9165 ang mag-ina na kasalukuyang nakadetine sa PDEA 7 custodial facility.

Tags: Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)

You May Also Like

Most Read