MAG-IINA, NAILIGTAS SA HOSTAGE-TAKER SA TONDO

MAPAYAPANG nailigtas ng Manila Police District (MPD) ang isang nanay at dalawang anak na paslit mula sa isang lalaking hostage-taker sa Tondo, Maynila, sa Biyernes ng gabi.

Kinilala ni MPD-Station 1 commander P/Lt. Colonel Rosalino Ibay, Jr. ang hostage-taker na si Elmer Venicin, 31, binata, at residente ng Block 49, Lot 28, Barangay Longos, Malabon City.


Sa pakikipag-negosasyon ni Ibay, nahimok nito ang suspek na pakawalan ang mga biktimang sina Neizel Labial at mga anak niyang sina Chloe Labial Beroy, 12 anyos; at Joshua Labial Beroy, 3, pawang residente ng No. 1864 Franco corner Herbosa Sts. , Tondo.

Sa ulat, dakong alas- 6:00 ng gabi nang magsimula ang insidente ng pangho-hostage sa ikatlong palapag ng isang apartment sa nasabing address.

Sa naging pahayag ng saksing si Michael Tassara, 42, residente rin ng ikatlong palapag ng nasabing aprtment, bigla na lang pumasok ang suspek sa apartment na ikinabahala niya dahil sa may bitbit na patalim at inilock-umano ang pintuan.


Mabilis na itinawag sa Pritil Police Community Precinct (PCP) ang ukol sa lalaki na hindi naman residente ng nasabing residential building.

Rumesponde ang MPD-Station 1, Special Weapons and Tactics (SWAT) at iba pang unit ng MPD at nagsilbing ground commander si P/Colonel Julius Anonuevo nang atasan ni MPD Director P/Brig. General Andre Dizon.


Ayon kay Ibay, ‘high’ sa iligal na droga ang suspek at sa pakikipag-negosasyon ay nahimok niya itong ipalit ang kapatid na dumating sa lugar para pakawalan ang mag-iina, matapos i-request ng suspek na ipakuha ang 12-anyos niyang kapatid na babae mula sa kanilang bahay sa Malabon.

“Yung kapatid, pinasundo ko sa Malabon, kaya nandun at mabuti naman at napasunod ko,” ani Ibay.


Nabatid na ang suspek ay walang trabaho na napadpad lamang sa nasabing lugar.

Wala umano siyang intensyong manakit at natatakot lamang na may papatay sa kanya, bagamat sinabi niyang hindi siya bangag nang maganap ang insidente, na natapos 7:45 ng gabi kung saan wala namang nasaktan.

Nahaharap sa kaukulang kasong alarm and scandal ang suspek. (JERRY S. TAN)



Tags: Manila Police District (MPD)

You May Also Like