Patay ang lalaki,h abang sugatan naman ang kanyang kinakasamang walong-buwang buntis nang pagtatagain ng caretaker ng kuwartong kanilang inuupahan matapos na magtalo ukol sa bill ng kuryente, kamakalawa ng hapon sa Sta.Ana, Maynila.
Nasawi dahil sa tama ng itak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Christian George Jaime, 32 ,tricycle driver, ng 2047 Pasig Line St., Sta. Ana, Maynila, habang nagtamo naman ng taga sa hita ang kinakasama nitong si Vanessa Joy Caña,32, na walong buwang buntis.
Sa imbestigasyon ni PSSg Arvy Macarasig ng Manila Police District-homicide section, naganap ang insidente dakong alas- 3:30 ng hapon sa harap ng bahay ng biktima.
Bago nangyari ang insidente,una nang nagtalo ang biktima at suspek na si Rolando Gallego,51 dahil sa bill ng kuryente.
Naawat naman ang dalawa at nang muling magkita makalipas ang isang linggo ay bigla na lamang sinugod ng suspek na armado ng itak ang biktima at kaagad pinagtataga.
Nakita naman ni Caña ang ginawa ng suspek at biktima.at sumugod para awatin pero maging siya ay tinaga rin ng suspek.
Naaresto ang suspek ng mga nag-respondeng awtoridad. (Arsenio Tan)














