HINDI kinumpirma ng Armed Forces of the Philippine ang nabalita na kasama ang mag-asawang Benito Tiamzon at Wilma Austria, kapwa miyembro ng CPP-NPA politburo at Central Committee official ng CPP-NPA-NDFP, sa sumabog na bangka kasunod ng naganap na sagupaan sa Catbalogan City kahapon ng umaga.
Ayon kay pa MGen. Edgardo De Leon, Commander, 8th Infantry Division, “as of now hindi pa naming nabavalidate yun ano, we are tracing back kasi yung information at hand…may sumakay sa bangka na suspicious na na-alert yung aming nakabantay sa mga exit route sa mga bunganga ng mga ilog.
“Hindi nila alam yung prior to (encounter)… that so we are now tracing back to confirm sino ba talaga, sino kaya talaga yung naisakay dun sa boat na yun, so kami hindi namin validate as of now and we are doing everything to validate,” aniya
Sa inilbas na incident report, isang motorized boat ang sumabog bandang alas-4 ng madaling araw na hinihinalang sasakyan ng mga hinihinalang NPA na tumatakas sa ginagawang continuous military offensive sa mga lugar na pinagtataguan ng mga rebelde.
Ayon kay MGen De Leon, kaya nag-iingat kami, hindi ako makasagot, baka mamaya biglang sasabihin natin na-neutralize tapos biglang magpapakita ng proof of life, hahaha, diba, para namang niloko natin yung publiko diba?”
Sa pahayag na ibinahagi ni AFP’s Joint Task Force Storm Cpt Ryan Layug, isang military informant ang nag tip na may isang grupo ng mga aramado ang sumakay sa motorized boat na may mga kargang kahon sa dalampasigan ng Catbalogan City.
Agad na nagsagawa ng water-borne interdiction operation ang mga tauhan ng Naval Special Operation at Army Special Forces at Army riverine, gamit ang megaphone ay tinawag ang pansin ng mga sakay ng Bangka.
Subalit hindi pa umano natatapos na makapagsalita ang sundalo may hawak ng megaphone ay sinagot na sila ng sunod sunod na putok kaya nagkaroon ng enkuwentro ng biglang sumabog ang bangka.
Kinumpirma ni AF JTF Storm Commander Major General Edgardo De Leon ang pangyayari: “indeed there was a waterborne interdiction operations conducted against a hostile motorized boat this morning”.
“Pag approach palang ng tropa natin, ay nakiusap na tayo para magpa plainview inspection sila. Pero, pinaputukan habang nagsasalita, buti hindi tinamaan, nagkaroon na ng habulan. Tapos bigla nalang sumabog ang motorized boat.” ani De Leon.
Dagdag pa niya:“Sa ngayon, inaalam pa namin kung sino ang mga nakaengkwentro ng tropa natin. Minomonitor talaga namin ang shorelines in support sa anti-illegal fishing campaign, criminal gangs eluding arrest, ginagamit din itong mobility corridor ng CPP-NPA sa pagtransport personnel, baril at ng anti-personnel mines. Revelation ito ng mga kasamahan nilang (NPA) nagbalik-loob na sa gobyerno”. (Victor Baldemor)














