MAG-ASAWANG SOUTH KOREAN NA WANTED SA PANGGAGANTSO, INARESTO NG BI

TIMBOG ang isang mag-asawang South Korean national makaraang masabat ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Las Pinas City dahil sa kasong panggagantso na tinakasan sa kanilang bansa.

Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang mga naaresto na sina Seol Kwangsu, 33, at Han Haneul, 26. Dinakip sila ng mga tauhan ng BI-Fugitive Search Unit sa tinutuluyan nilang bahay sa Las Piñas City nitong nakaraang Huwebes.


Ayon kay Morente, nagpalabas siya ng ‘mission order’ para madakip ang dalawa makaraang makipag-ugnayan sa kanila ang awtoridad ng South Korea ukol sa warrant of arrest na kinakaharap ng dalawa sa Seobu District sa Seoul at sa Daejeon district.

Sinabi ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na sangkot ang mag-asawa sa isang investment scam. Si Seol ay isang caller ng isang sindikato ng voice-phishing na nagpapanggap na mga opisyal ng ‘financial institution’.

Umabot na umano sa 261 milyong won ang natangay ni Seol habang si Han naman na wanted sa limang insidente ng panggagantso ng limang biktima ay nakatangay ng higit sa 80 milyong won.


Inaasikaso na ng BI ang deportasyon sa dalawa dahil sa pagiging ‘undesirable at undocumented aliens’ makaraang kanselahin ang kanilang pasaporte ng Korean government. (Carl Angelo)


Tags: Bureau of Immigration (BI)

You May Also Like