Tatlong katao na diumano ay magkakaanak, ang nasawi, habang apat na iba pa ang sugatan nang sumiklab ang isang sunog sa Tondo, Manila, Huwebes ng hapon.
Napag-alaman sa Bureau of Fire Protection (BFP) na kabilang sa mga nasawi ang mag-asawang senior citizen, kung saan ang mister ay 78-anyos habang ang misis ay 70-anyos at isang kaanak na binatang 45-anyos naman.
Sugatan naman sa sunog ang apat na katao, kabilang ang tatlong fire volunteers at isang sibilyan na kinilalang sina Reynaldo De Luna, 20, na nawalan ng malay; John Jerome Dumasig, 34, ng Pitong Gatang Fire Volunteer; Rodelio Banique, 47, ng Sierra Fire Voluntee, at Dexter Aniban, 32.
Ganap na ala-1:22 ng hapon nang sumiklab ang sunog sa ikalawang palapag ng tahanang matatagpuan sa R.A Reyes St., sa Tondo, na pagmamay-ari umano ng isang Loreta Flores.
Umabot ng ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naideklarang under control alas-2:41ng hapon.
Aabot sa P800,000 ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy kung saan anim na kabahayan ang nadamay sa sunog, kabilang ang tatlo na totally- damaged at tatlong partially-damaged, habang nasa 18 pamilya naman ang naapektuhan nito.
Iniimbestigahan ang insidente upang alamin ang sanhi ng sunog.