ITINATAYANG nasa limang kilo ng shabu na may street value na aabot sa P34 million ang nasamsam sa mag-asawa na itinuturing na mga ‘high value target,’ kasunod ng isinagawang joint anti -narcotics operation sa Mindoro.
Ayon kay Director Derrick Carreon ng Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA), naglunsad ng joint buy-bust operation ang kanilang mga tauhan katuwang ang National Bureau of Investigation at local police laban sa mga itinuturing na mga HVT sa bahagi ng MIMAROPA Region.
Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo ng PDEA MIMAROPA Regional Special Enforcement Team ay kinilala ang mga nahuli sa bitag na sina Luis Delos Reyes Baes, 45, negosyante at residente ng Sitio Maije, Brgy Malitbog, Bongabong, Eastern Mindoro at Lyn Ylagan Baes @Lyn, OFW, 41, ng nasabi ring lugar .
Sa ibinahaging ulat ni PDEA MIMAROPA Provincial Officer Ansawi Salik, nagsagawa muna ng case build-up at surveillance operation ang kanilang grupo bago ikinasa ang buy-bust operation katuwang ang MIMAROPA, NBI at Bongabong Municipal Police Office sa Sitio Panlanao, Brgy Sagana, Bongabong, Oriental Mindoro.
Nakuha sa isinagawang dragnet ang isang kilo ng hinihinalang shabu na produkto ng buy-bust, kung saan nakuhanan pa ang mga suspek ng apat na pakete na may markang ‘Chinese tea’ base sa label na ‘Guanyinwang’ na tumitimbang din ng apat na kilo.
Kabilang sa mga non-drug evidence na nasamsam ang ginamit na buy-bust money, isang kulay Gray Toyota Hilux na may plate number na VAB , dalawang unit ng mobile phones, dalawang ID, mga plastic bag at pasaporte.
Ang mag- asawa ay kinasuhan na ng paglabag sa Section 5 at 11 Art. II ng RA 9165 comprehensive dangerous drugs act of 2002 at kasalukuyang nasa jail facility ng MIMAROPA .














