DEAD-on-arrival sa pagamutan ang isang mag-asawa na dadalo lamang sana sa ipinatawag na hearing, nang tambangan sila ng mga hindi pa nakikilalang riding-in-tandem gunmen sa Butuan City.
Sa ulat ng Butuan City Police Office, nasawi sa pamamaril ang mag-asawa sa loob ng kanilang sasakyan .
Lumilitaw sa inisyal na pagsisiyasat na dadalo sana ang mga biktima sa isang hearing sa barangay hall subalit ipinagpaliban ang pagdinig, kaya’t nagpasya ang mag-asawa na umuwi na lamang.
Habang binabaybay ang daan pabalik ay dinikitan sila ng mga hindi pa nakikilalang salarin na lulan ng motorsiklo.
Pagsapit sa Purok 5B sa Barangay Amparo ay saka pinagbabaril ng mga suspek ang mag-asawa,
Nagawa pang itakbo sa pagamutan ng mga rumesponde ang dalawa subalit kapwa idineklarang patay na ang mga ito ng idating sa ospital.
Sinisilip ng mga imbestigador ang ‘land dispute’ na isa sa pangunahing posibleng motibo sa krimen.
“Pine-prepare na ‘yung documents para sa filing ng kaso,” pahayag ni Butuan City Police Office Chief PIO, Lt. Crispolo Alburo kasunod ng pahayag na may mga person of interest na silang tinututukan.














