MAG-AMANG ‘TSINOY’, HULI SA DROGA

By: Victor Baldemor Ruiz

ITINATAYANG nasa kalahating kilo ng shabu na may street value na aabot sa P3.4 milyon ang nasamsam ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mag-amang Tsinoy, matapos ang isinagawang anti-narcotics operation sa Malolos City sa Bulacan.

Ayon sa ulat na natanggap ni PDEA Director General Moro Vergilio Lazo mula sa PDEA Regional Office 3, isang Chinese national kasama ang kanyang anak na Pinoy ang nakuhanan ng humigit-kumulang sa kalahating kilo ng shabu.


Kasunod ito ng inilatag na buy-bust operation ng kanilang mga operatiba sa Pleasant Village, Barangay San Pablo, kamakalawa ng hapon, ayon sa PDEA.

Kapwa nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Section 5 (sale of dangerous drugs) in relation to Section 26B (conspiracy to sell) ng Republic Act 9165 ang mag- amang Tsinoy matapos maaresto sa okinasang drug buy-bust operation.

Kinilala ni PDEA Director General Lazo ang mga nahuling suspek na sina Anthony Chua y Dy at ang anak nitong si Jay Vie Cai y Bellen, 34, kapwa residente ng 3229 Lot 5, Block 2, Phase 2, Pleasant Village, San Pablo, Malolos City, Bulacan.


Narekober mula sa mga suspek ang isang pirasong resealable plastic bag na naglalaman ng humigit kumulang 500 gramo ng shabu na may halagang P3,450,000 at ang marked money na ginamit ng undercover agent.

Sinabi ng mga operating team na ang operasyon ay produkto ng isang buwang casing at surveillance operation ng mga ahente ng PDEA Tarlac Provincial Office.


Tags: PDEA Director General Moro Vergilio Lazo

You May Also Like

Most Read

Latest News