Isang mag-ama ang iniulat na nasawi habang 14 katao pa ang nasugatan sa dalawang sunog na sumiklab sa lungsod ng Maynila kahapon.
Hindi pa ibinunyag ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mag-amang nasawi sa sunog ngunit batay sa isang ulat sa radyo, mismong si Manila Deputy Fire Marshall Leo Antiso ang nagkumpirma na natagpuan ang mga bangkay ng mga biktima sa isa sa mga tahanan na tinupok ng apoy sa Fullon Extension at Prudencio St., sa Tondo.
Batay sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na sumiklab ang apoy dakong ala-1:39 ng hapon, sa tahanang pagmamay-ari ng pamilya Lasaca, na nagresulta sa pagkatupok ng nasa 30 pang kabahayan at pagkawala ng tahanan ng nasa 100 pamilya.
Mayroon rin umanong walong katao, na kinabibilangan ng isang fire volunteer, ang bahagyang nasugatan at nasaktan sa sunog.
Umabot lamang ng ikalawang alarma ang sunog na tumupok ng tinatayang aabot sa P1.5 milyong ari-arian bago tuluyang naideklarang under control dakong alas-2:43 ng hapon at naapula dakong alas-4:33 ng hapon.
Samantala, dakong alas-9:49 ng umaga naman nang sumiklab ang isa pang sunog sa isang residential area sa Old. Sta. Mesa St., sa Sta. Mesa, Manila.
Nasa anim na katao ang sinasabing nasugatan at nasaktan sa insidente, kabilang ang isang SFO3 Enriquez; FO1 Jason Azurin; Christopher Gatcho, 21; Virginia Chan; isang alyas ‘Carlito;’ at Mary Anne Pural, 20.
Umabot ng ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naideklarang under control dakong alas-11:44 ng umaga at tuluyang naapula dakong alas-11:58 ng umaga.
Sa pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa 100 kabahayan ang tinupok ng apoy habang nasa hanggang 300 ang pamilya ang naapektuhan nito.
Masusi pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang sanhi ng naturang sunog, gayundin ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito.