DINAKIP sa hot pursuit operation at ipaghaharap ngayon ng dalawang kaso ng pagpatay ang mag amang sinasabing responsible sa pananaksak sa dalawang lalaki sa Agoo, La Union, nitong nagdaang lingo, ayon sa pulisya.
Sa impormasyong ibinahagi ni Police Corporal Fidel Ramos ng Agoo Police Station , nadakip sa isinagawang follow up operation ang mag amang sina sina Condrado Dumo, 58-anyos, at anak nitong si Richard Dumo, 28-anyos, residente ng Brgy. San Nicolas Central, Agoo, ng nasabing lalawigan.
Kinilala naman ang mga napaslang na sina Edgar Morales, 50-anyos, at manugang nitong Melchor Dacian JR, 30-anyos, na sinasabing nagtangka lamang umawat sa mag amang suspek subalit nasaksak din.
Lumitaw sa imbestigasyon na nagsimula ang insidente nang magtungo ang ama na suspek noong gabi ng Huwebes sa kaniyang kaibigan, na kapitbahay ng biktima.
May biro umanong binitawan ang ama, na hindi nagustuhan ng biktima kaya nagkaroon ng komprontasyon at suntukan.
Umuwi ang suspek at pagbalik nito sa crime scene sa Barangay San Nicolas ay kasama na niya ang kaniyang anak para gantihan umano ang biktima.
“Agad nilang hinanap itong nanuntok sa kanya. Noong makita nila ay agad nilang pinagtulungan nila ito,” ani Ramos.
Dead on arrival sa ospital ang mga biktima dahil sa tinamong mga saksak .
Samantala dahil sa away sa pulitika isang lalaki naman ang nahaharap ngayon sa kasong double murder sa ginawa nitong pananaksak at pagpatay sa isang 71 anyos na lalaki at sa anak nitong babae na hindi umano sumuporta sa kandidato ng suspek sa Davao City
Nasa kustodiya na ng kapulisan ang suspek na kinilalang si Rio Ballenas na nahaharap ngayon sa kasong double murder dahil sa pagpatay sa isang 71-anyos na si Panfilo Manrique at 43 anyos na anak ng biktima na kinilalang si Geraldine sa Brgy. Matina Apalaya, Davao City Biyernes ng gabi.
Sinasabing ang supek ay live-in partner ng isa pang anak ng matandang biktima ay nagtanim ng galit dahil natalo umano ang kandidato ng suspek na hindi suportado ng pamilya ng kinakasama na pinagmulan ng pagtatalo na nauwi sa pananaksak.
Ayon sa impormasyong ibinahagi Major Noel Villahermosa, Talomo Police Station commander, hindi ito ang unang beses na may napatay ang suspek. “May record na ‘to siya. 2020, nakapatay rin siya sa Buhangin area… nakakaso siya pero nagbail bond,” ayon sa hepe ng Talomo PNP na si Police Major Noel Villahermosa. (VICTOR BALDEMOR)














