PATAY ang tatlong kasapi ng teroristang grupo ng Dawlah Islamiyah Lanao nang mauwi sa madugong engkwentro ang isinagawang joint law law enforcement operation ng Philippine National Police at military sa Barangay Matampay Dimarao, Bubong, Lanao del Sur.
Bukod sa mga napaslang pitong iba pa ang nadakip matapos ang mainit na sagupaan na dapat sana ay pagsisilbi lamang ng pulisya ng search warrants.
Kinilala ang mga napaslang na sina Bashir Marcarangcat, Sowaib Macarangcat at Abdulatip Ripag na agad namang kinuha ng kanilang mga kaanak para mailibing batay sa paniniwalang Islam sa lugar.
Habang nakilala naman ang mga nadakip na sina Saynolla Tigunogon;Aslani Ripag;Acmali Sarip;Anwaar Aragon;Salik Maulana; Nasrudin Acob at Sultan Macalawan Macarambon Maulana.
Ayon kay Lanao del Sur Police Provincial Office spokesperson Police Maj. Alvinson Mustapha, nagkasa ng law enforcement operation ang mga tauhan ng PNP CIDG-BARMM team para maghain ng search warrants base sa kumpirmadong intelligence report hinggil sa pag-iingat ng mga baril at iligal na droga.
Bago pa tuluyang makalapit ang mga awtoridad ay sinalubong na sila ng sunod sunod na putok na nauwi sa engkuwentro nang gumanti na ang mga tauhan ng pamahalaan.
Matapos ang sagupaan ay na-recovered mula sa mga suspek ang M-16 rifle;dalawang kalibre 45 na baril;granada;rifle grenade;rifle scope;sari-saring mga bala;10 gramo ng suspected shabu at iba pang mga ededensiya. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














