Maayos na pagpapatupad ng ROTC, giit ng MOP

Nanawagan ang Military Ordinariate of the Philippines(MOP) na ayusin ang pagpapatupad sa Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) at pagtulungan ng pamahalaan upang makamit ang mabuting layunin.

Sinabi ni MOP Bishop Oscar Jaime Florencio sa gitna ng posibilidad ng pagpapatupad ng mandatory ROTC sa Senior High School Levels Grade 11 at 12 kasama ang antas ng kolehiyo, na dapat aniyang magtulungan ang bawat isang kabilang sa pamahalaan, Local Government Units at mga mamamayan upang maisulong ang pangangalaga sa mental health ng mga kabataan.

Unang inihayag ni Department of Defense Acting Secretary Carlito Galvez na sa pamamagitan ng ROTC ay mapapatibay ang moral, pamumuno at katibayan ng loob na tutulong naman sa pagpapatibay ng mental health ng kabataan.


Upang matiyak naman ang pagiwas o pagwawaksi sa marahas na pamamaraan ng hazing at bullying sa hanay ng mga estudyante ay mahalaga din umano ang mahigpit na pagbabantay ng mga institusyon o paaralan kung saan idaraos ang ROTC.

Ito ay upang matulungan ang Department of Defense (DND) at iba pang sangay ng pamahalaan na mapangalagaan ang kapakanan ng mga estudyante laban sa hazing kung matutuloy ang mandatory ROTC.


Patuloy naman ang senado sa pagdaraos ng mga pagdinig upang talakayin ang pagpapatupad ng ROTC sa mga paaralan sa bansa. (Jantzen Tan)


Tags: Military Ordinariate of the Philippines(MOP)

You May Also Like

Most Read