Latest News

Maaanala ang pagdating ng bivalent COVID-19 vaccines sa bansa — DOH

Inihayag ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na bahagya umanong maaantala ang pagdating sa bansa ng bivalent COVID-19 vaccines.

Nauna diyan, matatandaang sinabi ng DOH na inaasahan nilang darating sa bansa ang mga naturang bakuna, na para sa Omicron variant ng COVID-19, ngayong Marso.

Ipinaliwanag naman ni Vergeire na magkakaroon ng ‘slight delay’ ang pagdating ng mga bakuna sa Pilipinas bunsod na rin ng pagkapaso na ng state of calamity noong Disyembre 31, na nagkakaloob ng immunity mula sa liability at required din ng manufacturers at donors.

Ayon kay Vergeire, sa ngayon ay inihihingi na nila ito ng gabay sa Office of the President.

“So, ngayon ito lang po ang hinihingan natin ng guidance coming from the Office of the President if we can enter into this agreement with this immunity from liability and indemnification clauses na nakapasok diyan,” paliwanag pa ni Vergeire.

Nabatid na nakakuha ang DOH ng 1,002,000 doses ng bivalent vaccines ng Pfizer mula sa COVAX facility.

Plano sana nilang ibigay ang mga ito sa mga healthcare workers at mga senior citizens.

Gayunman, dapat anilang mayroon nang first boosters ang mga babakunahan nito, at may apat na buwan na nang huling maiturok ito sa kanila.

“Tuloy-tuloy pa rin ang programa natin ng monovalent vaccines… Tapos ‘yung bivalent na dadating uunahin muna natin ang mga vulnerable. So, walang masasayang,” pagtitiyak ni Vergeire.

Sakaling dumating na ang mga naturang bivalent vaccines sa bansa,ay kaagad nila itong isasama sa overall COVID-19 vaccination program, aniya pa. (Jaymel Manuel)

Tags:

You May Also Like

Most Read