Agad na nasawi ang isang 20-anyos na lalaking estudyante ng Lyceum of the Philippines University (LPU) matapos na lumundag sa riles ng tren sa northbound lang ng LRT Central Station sa Ermita,Maynila.
Ang biktima, residente ng San Jose Gel Monte, Bulacan, ay tumalon umano alas-9:14 ng umaga.
Batay sa inisyal na imbestigasyon na isinagawa nina P/Corporal Angelo Bado na ibinase naman sa salaysay ng saksi na si Eddie Pagubasan, security guard ng LRT Central Station, paparating umano ang tren nang biglang tumalon ang biktima.
Nabundol ito ng tren at siya ay nagtamo ng multiple injuries sa katawan at ulo na naging dahilan ng kanyang pagkasawi.
Mabilis namang rumesponde ang acting head security na si Elvie Carigay at ipinadala sa Kaizen ambulance ang biktima patungong Philippine General Hospital (PGH) subalit hindi na ito umabot nang buhay sa pagamutan.
Kasalukuyang iniimbestigahan ni PCMS Denny Suba ng Manila Police District -homicide section ang pagkamatay ng biktima.














