MALAKI ang posibilidad na gamiting ebidensya ang lumubog na fishing boat na iniulat na sinalpok ng isang Marshall Islands- flagged crude oil tanker na ikinamatay ng tatlong katao sa adjacent water ng Pangasinan noong nakalipas na linggo.
Dahilan ito kaya puspusan ang ginagawang paghahanap ngayon ng Philippine Coast Guard sa lumubog na FFB Dearyn may 85 nautical miles mula Agno, Pangasinan
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea, target nilang makita at palutangin ang Fishing Boat Dearyn at gamitin itong evidence sakaling maghain na ng reklamo kaugnay sa nangyaring banggan o accidental ramming.
“Ang intention natin, the moment na makita natin ‘yon, we’re going to salvage it, palutangin natin at dalhin natin sa pampang. Right now, ang Philippine Coast Guard ay naglalayag pa patungo sa location na ito,” ani Tarriela sa isang panayam.
Isang foreign crude oil vessel na pinaniniwalaang ang Marshall Islands-flagged Pacific Anna ang sumalpok at nagpalubog sa FFB Dearyn noong Lunes ng madaling araw.
Tatlo sa crew nito, kabilang ang 47-anyos na kapitan ng bangka, ang namatay habang 11 naman ang nakaligtas sa trahedya.
Naniniwala si Tarriela na sakaling ma-recover ang FFB Dearyn ay masusuportahan nito ang Philippines’ case laban sa may-ari ng marine tanker Pacific Anna sakaling mapatunayan na ito nga ang sangkot sa banggaan
Nabatid pa na nakikipag-ugnayan na ang Philippine Coast Guard sa Singapore Maritime officials na sinasabing destinasyong tinatahak ng marine tanker mula Incheon South Korea at mga awtoridad sa Marshall Islands kaugnay sa insidenteng hinihinalang kinasasangkutan ng Pacific Anna.