“Mag-resign kayong lahat!”
Ito ang naiiritang panawagan ni Sen. Erwin Tulfo sa mga opisyal at kawani ng mga tanggapan sa Middle East na hindi umano ginagawa ang kanilang tungkulin sa gitna ng kaguluhan sa Middle East.
Ang pahayag ay ginawa ni Sen. Erwin bunsod ng mga reklamong tinanggap mula sa overseas Filipino workers (OFWs) laban sa mga opisyal at kawani na naka-base sa Middle East mula sa Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers’ Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA).
Ani Tulfo, na siya ring chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, nakalulungkot makatanggap ng ulat at reklamo mula sa OFWs na naiipit sa kaguluhan sa Gitnang Silangan na bukod sa mga absent na empleyado ay hindi rin umano gumagana ang mga hotlines ng mga naturang ahensiya ng gobyerno.
“Kailangan n’yong tumulong 24/7, sabi ng Pangulo. Kailangan kayong bukas. hindi ‘yung kundi pa tatawag dito… sa mga Senador, tsaka pa lang ninyo bubuksan ang mga telepono ninyo. I understand natatakot lahat ho tayo. Pinili ho ninyo ‘yan eh. Di ba nyo naisip yan? ‘Yan ang trabaho na pinili ninyo so panindigan na ninyo,” anang Senador.
Ayon kay Sen. Tulfo, dapat subukan ng mga nasa naturang government agencies na ilagay ang kanilang sarili sa sitwasyon ng mga OFWs na di malaman ang dapat gawin at nangangamba sa kanilang buhay dahil sa patuloy na giyera sa Middle East.
“Tatawag ako (OFW), kinakabahan ako walang sasagot, walang mapuntahan. What does it tell you? Pinabayaan kami ng gobyerno. Remit kami ng remit ng pera, binubuhay namin ang ekonomiya ng Piipinas. Pagdating ngayon sa trouble, nasaan ‘yung gobyerno namin? Don’t do that kasi nakaka-frustrate ho ‘yun,” pagbibigay-diin ni Sen. Tulfo.
“Kung natatakot kayo..pagkahupa nito (conflict). lumayas kayo diyan. Mag-resign kayong lahat wala naman kayong mga silbi,” dagdag pa nito.













