INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na kinokonsidera nitong i-require s mga kandidato ang paggamit lamang ng ‘current photos’ sa campaign materials na gagamitin nila para sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, ito ay bahagi ng kanilang kampanya na tuldukan ang ‘misrepresentation’ sa halalan.
Ani Garcia, maaaring i-require nila sa mga kandidato na magsumite ng hanggang 10 bagong larawan o yaong kuha lamang sa nakalipas na anim na buwan, upang magamit sa kanilang campaign streamers, posters at social media posts.
Ipinaliwanag ni Garcia na makatutulong ang naturang polisiya sa mga botante upang maging mas pamilyar sila sa mga kandidato.
“Hindi po ba mas maganda? Pictures na nga lang eh, hindi pa tayo magpakatotoo. At least maipakita na ikaw ito ngayon, alam ng mga botante ang itsura ng tao na ito,” dagdag ni Garcia.
Aniya, maaari rin namang pahintulutan ng Comelec ang pagsasagawa ng bahagyang enhancement o pagpapaganda ng larawan ngunit hindi dapat na mabago ang hitsura ng kandidato.
Maaarn umanong maparusahan ang mga kandidato na gagamit ng ibang larawan sa campaign materials, bukod sa mga larawang kanyang isinumite sa Comelec, sakaling maaprubahan ang naturang polisiya ng poll body.