BAGO ang pagdiriwang ng Valentine’s Day ay personal na nagpahatid ng kanyang pakikiramay si Philippine Army (PA) Chief Lt. Romeo Brawner, Jr., sa pamilya ng mga sundalo na nasawi sa shooting incident nitong Sabado na naganap sa 4th Infantry Division (4ID) Headquarters sa Camp Evangelista sa Cagayan de Oro City.
Kasabay nito ay nagpaabot din siya ng tulong pinansyal sa pamilya ng apat na sundalo ng Service Support Battalion sa kanyang pagdalo sa lamay ng mga ito sa 4ID Gymnasium sa nasabing kampo.
Dinalaw din ni Brawner ang sundalong sugatan sa insidente na kasalukuyang nagpapagaling sa Camp Evangelista Station Hospital.
Magugunitang iniulat kay LtGen Brawner ni 4th ID Commander Maj. Gen. Wilbur Mamawag na ipinag utos na ang pagbuo ng isang Board of Inquiry na siyang tutulong sa PNP para sa isinasagawang imbestigasyon.
Kung maaalala, nasawi ang apat at nasugatan naman ang isang sundalo sa naganap na shooting incident nitong Sabado matapos na mag-amok ang kanilang kapwa sundalo sa loob ng kanilang barracks na napatay din ng kanyang mga kasamahang na sinasabing nagtatanggol lamang sa kanilang mga sarili. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














