Naglabas na ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ng mga guidelines para sa mga furparents na nais magsakay ng kanilang alagang hayop sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2).
Ito’y isang araw bago ang implementasyon ng naturang bagong polisiya nitong Pebrero 1, 2023.
Ayon sa LRTA, isang maliit na aso o pusa lamang ang maaaring isakay ng bawat pasahero ng libre sa mga tren ng LRT-2.
Dapat rin umanong ang alagang hayop ay nakalagay sa carrier o cage na hindi lalampas ang laki sa 2ft x 2ft at ang naturang kulungan ay dapat na ilagay sa kandungan o sa sahig, sa tapat ng paa ng pasahero.
Hindi naman umano papayagan ang pagsasakay ng mga alagang hayop sa strollers o maging ang pag-okupa ng kulungan nito ng ekstrang upuan sa tren.
Dapat ring nakasuot ng diaper ang mga alaga upang mapanatili ang kalinisan at sanitasyon sa buong biyahe ng mga ito.
Isasailalim rin umano ang mga alagang hayop sa inspeksiyon, at dapat na makapagprisinta ang passenger-owner nito ng vaccination card bilang patunay na bakunado ang kanyang dalang paw-passengers.
Papayagan rin lamang anila ang passenger-owner at ang kanyang alaga na sumakay sa hulihang coach o bagon ng tren.
Mahigpit ring ipinagbabawal ng LRTA ang pagpapakain ng mga alagang hayop sa loob ng istasyon at mga tren ng LRT-2.
Paglilinaw pa ng LRTA, sila ay mayroong sole discretion, na tanggihang pasakayin ang pasahero sa tren kung ang dala nitong alaga ay ‘unruly’, agresibo, distressed, may sakit at kung may hatid itong banta sa kalusugan o kaligtasan ng iba pang pasahero.
“In such cases, the LRT-2 personnel may require the passenger-owner with such pet to alight/exit the station,” anang LRTA.
Binigyang-diin din ng LRTA na ang mga passenger-owner lamang ang responsable sa anumang pagkakasugat o pinsala na maaring idulot ng kanyang dalang alaga habang sakay ito ng kanilang mga tren.
Una nang sinabi ni LRTA Administrator Hernando Cabrera na tanging maliliit na alagang hayop lamang, gaya ng aso at pusa, ang maaaring isakay ng tren.
Hindi aniya maaaring isakay ang mga malalaking alaga, gayundin ang iba pang hayop na maaaring magdulot ng takot o discomfort sa ibang pasahero, gaya ng sawa, iguana, iba pang uri ng reptiles, at manok na hindi maaaring lagyan ng diaper. (Carl Angelo)