Latest News

LRMC: LRT-1 Cavite extension Phase 1, 97% complete na; target buksan sa 4th quarter ng 2024

By: Carl Angelo

Masayang ibinalita ng Light Rail Manila Corporation (LRMC) nitong Miyerkules na 97% nang kumpleto ang Phase 1 ng Cavite Extension ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at target nila itong mabuksan ito sa publiko sa huling quarter ng taong 2024.

“Great news for our dear commuters! LRMC is kicking off the year with exciting progress on the LRT-1 Cavite Extension Phase 1,” pahayag pa ng LRMC, na siyang private operator ng LRT-1. “The project is now 97% complete, with both civil and system works moving swiftly towards a smooth and timely OPENING in the FOURTH QUARTER OF 2024.”


Ayon sa LRMC, ang LRT-1 Cavite Extension Phase 1 ay magpapalawak sa kasalukuyang linya ng LRT-1 ng 6.2 kilometro at siyang magkokonekta sa Baclaran Station sa Pasay City at sa Dr. Santos Station sa Parañaque City.

Anang LRMC, sa sandaling maging fully operational, kaya ng proyekto na magsakay ng hanggang 600,000 pasahero kada araw.

Ibinalita rin naman ng LRMC na kabilang sa mga bagong istasyon ng Cavite extension Phase 1 na malapit nang makumpleto ay ang Redemptorist Station (93.3% nang kumpleto); MIA Station (93.5%); Asia World Station (83%); Ninoy Aquino Station (88%) at Dr. Santos Station (94.1%).


Upang matiyak naman anila na maayos ang takbo ng lahat, sisimulan na rin umano ng LRMC ang mga test runs ng iba’t ibang tren ng LRT-1 sa extension line.

Samantala, sinabi naman ng Department of Transportation (DOTr) na ang buong Cavite extension ay may habang 11.7 kilometro at tatakbo mula Baclaran hanggang sa Niog sa Bacoor, Cavite.


Ayon sa DOTr, sa tulong ng proyekto, ang oras ng biyahe o travel time mula sa Maynila hanggang Cavite ay magiging 25 minuto na lamang, mula sa dating isang oras at 10-minuto.

“The LRT-1 Cavite Extension Project is poised to significantly contribute to the nation’s economic growth and development by fostering improved connectivity between individuals and communities,” ayon pa kay LRMC President at CEO Juan F. Alfonso.


Tags: Light Rail Manila Corporation (LRMC)

You May Also Like