TARGET ng Marcos Administration na matugunan ang ‘housing problem’ at suliranin sa dumadaming ‘informal settlers’ kaya nagtatayo ngayon ng 170,000 housing units ang gobyerno sa Metro Manila para sa low- income families.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. maituturing na ito ang pinakaabot-kayang presyo ng pabahay sa bansa, partikular para sa mga pamilyang sumasahod ng P5,000 pababa.
Inihayag din ni Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Acuzar na pinagsisikapan ng administrasyong Marcos na gawing mas ‘accessible’ at abot-kaya ang pabahay para sa mga mahihirap na Pilipino.
Ito ay mas mababa kaysa sa mga nakaraang programa sa pabahay ng gobyerno dahil maaaring magsimula ito sa P5,000 hanggang P2,500 na tulad ng kasalukuyang mga paupa.
Sa ilalim ng Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program, ang DHSUD, DILG, Metropolitan Manila Development Authority at mga local government units sa Metro Manila ay nagtutulungan sa pagtatayo ng pabahay para sa mga walang tirahan.
Ang mga lokal na pamahalaan ang siyang namamahala sa pagtukoy sa mga benepisyaryo, gayundin sa pagtatanghal ng mga lugar para sa mga proyekto.