NANINIWALA si Senador Nancy Binay, chairman ng Senate Committee on Tourism na dapat tanggapin na ng Department of Tourism na hindi na maisasalba ang Love slogan lalo’t nabalita na sa buong mundo ang nangyari at napagtawanan na ang nabanggit na slogan.
Sa halip, mag-move on na aniya at ibalik na lamang ang slogan noon na “It’s more fun in the Philippines”
“Dahil nga sa nangyari, headline na tayo sa buong mundo. Naging laughing stock na ang slogan, at masyado nang tinamaan ang campaign. Nakakalungkot dahil sa unang tapak pa lamang, imbes na umarangkada ay umatras tayo,’ punto ng senadora.
“We don’t want the slogan to become a national embarrassment and look like losers. Again, huwag nang ipilit. Hindi masama ang magkamali. LOVE was not meant to be. Let us all move on and just bring back the FUN to the Philippines,” dagdag pa ni Binay.
Matatandaang inulan ng batikos ang promotional video na “Love the Philippines” dahil sa paggamit ng sinasabing stock footages na kinunan sa ibang bansa. (MARK ALFONSO)














