Isang 81-anyos na lolo ang nasawi matapos na bugbugin diumano ng kanyang adik na apo sa harap ng kanilang bahay, sa 1858 Oro B Sta. Ana, Maynila,kamakalawa ng gabi.
Ang biktimang si Jesus Rivera ay nasawi habang nilalapatan ng lunas dahil sa gulping inabot sa kanyang apo na nakilalang si Reymart Tanghal, 27 na kasama niya sa bahay. Ang suspek naman ay pinaghahanap ng awtoridad.
Ayon sa imbestigasyon ni PMSg Arvy Macarasig ng Manila Police District -homicide section, naganap ang insidente ala-s 8:30 ng gabi sa harap ng bahay ng biktima.
Bago ang insidente ay nakita umanong lumabas ng bahay ang biktima kasama ang kanyang misis, habang sumisigaw at minumura ang suspek na diumano ay gumagamit ng droga..
Maya-maya ay lumabas ang suspek at pinagsusuntok ang biktima, dahilan para ito ay bumagsak.
Tinangka umano ng biktima na bumangon subalit itinulak ito ng suspek at humampas ang ulo nito sa pader kaya muling natumba.
Pumutok ang likurang bahagi ng ulo ng biktima at kahit duguan na ay patuloy pa rin umano itong ginugulpi ng suspek, na naawat lamang nang dumating ang kanyang ina.
Agad na isinugod ang biktima sa ospital pero idineklara itong patay alas-8:56 ng gabi dahil sa matinding pinsala sa ulo.
Napag-alaman na magkasama sa bahay ang suspek at biktima at madalas umanong pinagagalitan ng biktima ang apo dahil sa paggamit ng bawal na gamot.














