Lolo, may Alzheimer’s disease, patay sa sunog

By: Baby Cuevas

Patay nang makulong sa nasusunog nilang tahanan sa Sampaloc, Manila nitong Miyerkules ang isang lolo na may sakit umanong Alzheimer’s.

Itinago muna ang pangalan ng biktima na nasa 69-anyos na ang edad at residente ng naturang lugar.


Ayon sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nabatid na dakong alas-5:23 ng hapon ng Miyerkules nang sumiklab ang sunog sa isang dalawang palapag na tahanan sa 1642 H G. Tuazon St. sa Sampaloc at pagma-may-ari ng isang Teresita Saba, ngunit ino-okupa umano ng mag-asawang kinilala lang na sina Zeny at Arthur.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naideklarang under control dakong alas-6:11 ng gabi at tuluyang naapula dakong alas-6:18 ng gabi at natagpuan ng mga awtoridad ang bangkay ng biktima sa isinagawang mopping operation.

Nasa 50 pamilya ang nawalan ng tahanan sa sunog na tumupok sa may 20 kabahayan.


Samantala, itinataya sa may P225,000 ang halaga ng mga ari-ariang napinsala ng sunog at inaalam pa ang pinagmulan nito.


Tags: Manila Bureau of Fire Protection.(BFP)

You May Also Like