NASAWI ang isang 68-anyos na lola matapos araruhin ng isang rumaragasang kotse na minamaneho ng diumano ay nakainom na driver, kamakalawa ng madaling araw sa panulukan ng Onyx at Pedro Gil Streets sa Maynila.
Hindi na naisalba sa Sta. Ana Hospital,ang biktimang si Adelaida Leyva, 68, na nagtamo ng matinding pinsala sa katawan at ulo matapos na tumilapon ng ilang metro.
Arestado naman ang suspek na si Mark Alan Santos, 46, na sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting om homicide.
Nabatid na papatawid ang biktima dakong alas- 4 ng umaga sa nabanggit na lugar nang salpukin ng kotse.
Papasok na umano ang biktima sa pinagta- trabahuhang canteen nang mahagip ng kotse.
Nalaman na bukod sa nakainom ang suspek ay wala rin itong maipakitang lisensiya.
Depensa ng suspek, hindi niya napansin ang biktima kaya niya nabundol.
Bumangga pa ang kotse ng suspek sa nakaparadang PUJ sa lugar. (Philip Reyes)














