DEAD- on- arrival sa pagamutan ang isang ‘septuagenarian’ na lola habang sugatan naman ang 14 na kasama nitong sakay ng isang passenger van nang bumulusok ito sa malalim na bangin sa kahabaan ng national highway sakop ng Sitio Bangao, Ambuklao, Bokod, Benguet.
Kinilala ang biktima na si Eva Garcia Cumarat, 72- anyos, residente ng Barangay Buenavista, Santiago City.
Pauwi na sana ang kulay puting Nissan Passenger van na may plakang NAN- 3805 na minamaneho ni Theody Vega, 48, nang mawalan ito ng control sa sinasakyan ng 15 magkakamag-anak, kasama ang nasawing babae.
Sa ulat ng Benguet PNP, kasalukuyang inoobserbahan ang anim na iba pa sa Veterans Hospital sa Bayombong, Nueva Vizcaya na kinilalang sina Theody Vega, John Andrei Cumarat, Eloisa Cumarat Mamuad, Ramon Dellosa, Joselyn Vega at Annaliza Garcia.
Samantala, nakauwi na sa kanilang mga tahanan ang ibang mga sugatan na sina Chrislynne Vega, Christynne Joy Vega, Jezzlyn Amita, Redmond Mainit, Maridel Dellosa, Mark Joseph Cumarat Mamuad, Maryjoy Cumarat Mamuad at Cassandra Dellosa.
Lumilitaw sa paunang imbestigasyon na galing Ilocos Norte ang mga sakay ng van at dumating ng Baguio City pasado alas-12 ng hatinggabi para sa kanilang family outing.
Matapos na makapananghalian ay nagkayaan nang umuwi ang pamilya sa Santiago City subalit habang binabaybay nila ang kahabaan ng national road ay naidlip umano ang driver kaya huli na para makontrol ang minamanehong van kaya’t nahulog sila sa higit-kumulang 50 metrong lalim na bangin na sanhi ng pagkasawi ng lola at pagkasugat ng 14 magkakaanak.