KINUMPIRMA na kahapon ng Department of Health (DOH) na may nagaganap nang lokal na transmisyon ng Omicron XBB subvariant at XBC variant ng COVID-19 sa bansa.
“Definitely, there is local transmission dahil lahat ito ay local cases,” saad ni Dr. Alethea De Guzman, direktor ng DOH epidemiology bureau. Sinabi rin niya na walang kaugnayan ang XBB at XBC ng bansa sa pagbiyahe.
Ibig sabihin nito na hindi maiuugnay ang mga kaso nito sa biyahe sa labas ng bansa o may exposure ito sa sinuman na nakabiyahe sa labas ng Pilipinas.
“Dito talaga nila nakuha ‘yung kanilang impeksiyon,” dagdag niya.
Nilinaw niya na ang mga transmisyon ay “localized” pa rin sa ngayon dahil ang mga variants ay natukoy lamang sa mga piling rehiyon.
Tukoy na ang XBB subvariant sa 24 bansa at apat na kontinente. Sa paunang pagsusuri, kinakitaan ito ng mas mataas na “immune evasion” kaysa sa BA.5 variant, pero hindi naman nakikita pa kung nagdudulot ito ng mas malubhang mga karamdaman.














