ISANG umano’y local government official at kasamahan nito ang nadakip sa isinagawang anti-narcotics operation ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa kahabaan ng Don Alejandro Roces Ave. sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.
Ayon sa PDEA, nahulihan ang mga suspek ng nasa isang kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng 6.8 million pesos matapos na kumagat sa kanilang pain .
Inihayag pa ni PDEA agent Grace Cruz, team leader ng PDEA RO-NCR RSET1, na bago ang nasabing buy-bust operation ay isinailalim muna nila sa halos dalawang buwan surveillance operation ang dalawang drug personalities na umano’y magpinsan mula sa Mindanao at kasalukuyang naninirahan sa Metro Manila
Sinasabing kapwa high- value target ang magpinsan dahil sa pagiging source ng malalaking drug dealers.
Kasalukuyang sumasailalim sa follow-up investigation ang dalawa, kasabay sa pagtukoy sa tunay na pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek na isa umanong municipal councilor sa Mindanao,
“According sa info na na-receive natin, elected official ito. But again, subject for verification nasa municipal level siya,” ayon sa PDEA official.
Mahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga nadakip.