May 18 driver at konduktor ng dalawang malalaking kumpanya ng passenger bus ang binawian ng lisensiya ng Land Transportation Office (LTO) matapos silang mag-positibo sa paggamit ng ilegal na droga.
Sinabi ni LTO chief Asst. Secretary Vigor Mendoza II na sa bilang na ito, 10 ang driver habang anim ang konduktor ng Victory Liner at ang dalawa pa ay konduktor naman ng Solid North Transport, Inc.
Ayon sa LTO, lahat sila ay nagpositibo sa random at surprise drug test na isinagawa noong Mayo 5 sa patnubay ni Transportation Secretary Vince Dizon.
Sinabi ni Asec Mendoza na ang desisyon ay batay sa Republic Act 10586 (Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013) at Republic Act 4136, o ang Land Transportation and Traffic Code, na partikular na nagsasaad ng pagbabawal sa pagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng ilegal na droga.
Ayon sa LTO, ang Korte Suprema ay nag-uutos na ang lisensya ay isang permit o pribilehiyo lamang, at ang naturang pribilehiyo na ipinagkaloob ng Estado ay maaaring suspindihin o bawiin sa paggamit ng kapangyarihan sa pulisya para isulong ang interes ng kaligtasan at kapakanan ng publiko.
“Sa kaso ng mga taong ito, mas matindi ang requirement ng obligasyon sa kanila dahil sila ay nagmamaneho at tumutugon sa mga pangangailangan ng pampublikong transportasyon,” ayon kay Mendoza.
Bukod sa pagbawi ng mga lisensya, ang 18 driver at konduktor ay permanenteng nadiskuwalipika rin na mabigyan ng driver’s license at conductor’s license.
Noong nakaraang Semana Santa lamang, 98 na lisensya ng mga bus driver ang binawi dahil sa iba’t ibang paglabag habang mahigit 1,100 ang nabigyan ng show cause orders (SCOs).
Samantala ay binalaan din ni Secretary Dizon ang mga kumpanya ng bus na babawiin ang kanilang prangkisa kapag nalaman niyang pinahihintulutan pa ring magmaneho ang mga nasabing driver.














