Limang babae at isang lalaki ang arestado ng mga tauhan ng Manila Police District – Station 3 sa aktong nakikipag-transaksiyon ng illigal na droga, kahapon ng madaling araw sa panulukan ng Carlos Palanca St. at Quezon Boulevard, Quiapo, Maynila.
Nasa kustodiya ng MPD-PS14,ang mga suspek na sina Jennifer Guarte 43,vendor,miyembro ng Sputnik gang at taga 98 Sika St., Quiapo, Maynila; Carol Bolais,49; Joy Santi,45 ; Neme Torrefiel,46,pawang taga Longos, Tabing Dagat, Zapote 5, Bacoor Cavite; Mary Jane Julian,27; taga- Dasma 3, Golden City, Dasmariñas, Cavite; at Dionisio Reyes, residente ng Longos, Tabing Dagat, Zapote 5, Bacoor Cavite.
Nadakma ang mga suspek alas-2:30 ng madaling araw sa nabanggit na lugar.
Sa imbestigasyon, lumitaw na nakatanggap umano ng tawag ang pulisya kaugnay sa isang grupo na nagsasagawa ng illigal na transaksiyon ng shabu sa nabanggit na lugar na natatakpan ng nakaparadang sasakyan.
Kaagad na rumesponde ang mga pulis sa lugar at nang makumpirma ang sumbong ay pumosisyon na at inaresto ang mga suspek .
Nakumpiska sa mga suspek ang pitong sachet ng shabu na tumitimbang ng anim na gramo at nagkakahalaga ng P40, 800.
kasong paglabag sa RA 9165 kilala bilang Dangerous Drug Act of 2002 ang isinampa laban sa mga suspek sa Manila Prosecutor’s Office.