LIMANG APD, SINAMPAHAN MATAPOS IREKLAMO NG CHINESE NATIONAL NG PANGINGIKIL DIUMANO

By: Jerry S. Tan

Sinampahan ng reklamo ng PNP-Aviation Security Group ang limang miyembro ng airport police department (APD) dahil sa reklamong pangingikil diumano sa isang Chinese national na naghatid ng isang kaibigan sa NAIA terminal 3.

Ayon kay LTC Alfred Lim, hepe ng PNP-AVSEGROUP NAIA Terminal 3, reklamong robbery -extortion ang kanilang inihain sa Pasay Prosecutor’s Office matapos makunan ng salaysay ang hindi pinangalanang biktima na Chinese national.


Sa salaysay ng biktima, nangyari ang insidente bandang alas-6 ng gabi araw ng Linggo, (Pebrero 4) sa departure area ng NAIA terminal 3.

Maghahatid lang sana umano ang biktima ng kanyang kaibigan na isa ding Chinese national nang lapitan sila at sitahin ng limang APD members.

Hinanapan umano ito ng pasaporte pero dahil hindi naman siya ang bibiyahe at maghahatid lamang ng pasahero, ipinakita nito ang kopya ng kanyang passport mula sa kanyang cellphone.


Sa kabila nito, dinala umano ang biktima sa ikaapat na palapag ng terminal 3 at doon ay gumamit umano ng translator app ang mga suspek para sabihan na makukulong ito kung hindi magbibigay ng P15,000 para siya ay palayain.

Sa takot umano ng biktima sa sinabi ng mga tauhan ng APD ay napilitan umano itong magbigay ng nasabing halaga.


Hindi naman nagdalawang- isip ang biktima na humingi ng saklolo sa pulisya at magreklamo.

Sinabi ni Lt. Col Lim na matapos makarating sa kanila ang reklamo ay agad nitong pinapuntahan ang tanggapan ng APD pero hindi na mahagilap ang mga isinasangkot kaya nauwi sa regular filing ang kanilang pagsasampa ng reklamo sa piskalya.


Sa ngayon aniya ay nagpapatuloy din ang kanilang pakikipag-ugnayan sa pamunuan ng Manila International Airport Authority at ng APD para makatulong sa imbestigasyon, partikular na ang pagkakaloob ng kuha ng mga CCTV na maaaring magamit sa ikalulutas ng reklamong isinampa ng Chinese national.

Matatandaang sinuspindi ni MIAA general manager Eric Ines ang dalawang APD matapos pumasok sa ipinagbabawal na EDSA busway at makipagtalo pa sa MMDA.



Tags: PNP-Aviation Security Group

You May Also Like

Most Read