ISANG madugong law enforcement operation ang naganap kamakalawa ng umaga na ikinasawi ng limang armadong kalalakihan nang piliin nilang lumaban sa tropa ng pamahalaan sa Lanao del Norte.
Ayon kay Lt. Gen. William Gonzales, pinuno ng Western Mindanao Command (WestMinCom), nagkasa ng law enforcement operation ang mga tauhan ng Joint Task Force (JTF) ZamPeLan at PNP-Criminal Investigation Detection Group (CIDG) IX At CIDG Lanao del Norte,.
Target umano ng operation ang mga kaalyado ng Daulah Islamiyah terrorist group.
Armado ng warrant of arrest na inisyu ng korte, sinalakay ng military at pulis ang pinagtataguan ng mga target personalities sa Barangay Bangco, Sultan Naga Dimaporo, Lanao Del Norte, subalit bago pa sila makalapit sa target areas ay sinalubong na sila ng sunod-sunod na putok mula sa pitong armadong kalalakihan sa pangunguna ng isang Uya Dama alias Aragon, kaya nagkaroon ng matinding sagupaan na tumagal ng kalahating oras.
Base sa inisyal report ng engkwentro na ibinahagi ng WESTMINCOM, limang kasapi ng armadong grupo ang napaslang kabilang si Uya Daman na pangunahing target ng LEO, may isang nasugatan habang isa pa ang nadakip. Wala namang nasugatan sa panig ng government troops.
Samantala, sa isinagawang clearing operation sa encounter site ay nasamsam ang tatlong M16 rifles; tatlong Cal .30 Garand rifles; dalawang Cal .45 pistols; dalawang hand grenades; Cal .30; ammunition; 5.56 ammunitions; M16 rifle magazines; isang bandolier; dalawang sling bags at isang backpack.
“Our troops exhaust their effort to decapacitate armed groups that defer the attainment of resounding peace in our area of responsibility (AOR). The JTF ZamPeLan continuously coordinates with our partners from the Philippine National Police to reinforce the security operations against the remaining militant groups in our AOR,” ayon pa kay Lt. Gen. Gonzales.