Umakyat na sa lima ang bilang ng mga nasawi sa malagim na road mishap sa Palo, Leyte kamakalawa, matapos na magkasalpukan ang isang multicab at isang passenger van .
Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente alas-5:45 ng madaling araw sa kahabaan ng national highway sa Barangay Guindapunan.
Kabilang sa mga namatay ang 16-anyos na lalaking estudyante at 33-anyos na lalaki na parehong sakay ng multicab, ayon sa police report na nakalap ng Palo Police Station.
Dead- on- arrival umano ang dalawa, habang nalagutan ng hininga ang tatlong iba pa, Huwebes ng gabi nang dalhin sa ospital, habang kasalukuyan pang nilalapatan ng lunas ang walong sugatan na sakay naman ng pampasaherong van.
Sa imbestigasyon ng Palo police, lumalabas na ang multicab ay galing sa Tacloban City at papuntang Palo, Leyte habang ang pampasaherong van ay galing naman ng Southern Leyte.
Pagdating sa lugar, magle-left turn sana umano ang multicab papunta sa isang Simbahan nang bigla itong salpukin ng pampasaherong van.
Nasa kustodiya na ng Palo Police ang driver ng van na nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property.