LIMANG katao kabilang na ang dalawang dating pulis, ang pormal nang sinampahan ng kasong two counts of murder ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) kaugnay sa pagpatay sa beauty queen na si Geneva Lopez at Israeli boyfriend nitong si Yitzhak Cohen.
Sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PNP Chief General Rommel Francisco Marbil, ipinagharap na ng kaso ang limang suspek na sinasabing responsable sa pagpaplano at pagpatay kina Lopez at Cohen.
Hindi muna kinilala ni CIDG legal officer Col. Thomas Valmonte ang limang akusado sa kasong inihain sa justice department, kung saan magugunitang unang napaulat na may tatlong dating pulis ang sangkot sa double murder case.
Lumitaw sa masusing imbestigasyon na usapin sa lupain na pag-aari na ng mga biktima ang motibo ng mga suspek na nais umanong bawiin ang nasabing lupa na una na nilang isinanla.
Diumano, ang lupang pinag-uusapan ay isinanla ng respondents at nais umanong bawiin sa magkasintahan, subalit tumanggi ang mga ito dahil may involved na pera na dapat na ibalik muna ng mga respondent.
Dahil dito kaya umano pinag-planuhan ang dalawa. Sinabi umano ng mga suspek na may buyer na nais makita ang properties kaya’t napapunta ang dalawang biktima sa lugar kung saan isinagawa ang planong pagpatay at paglilibing sa mga ito.
Magugunitang may lumutang umanong testigo na may kinalaman sa paglilibing sa mga biktima kaya natukoy ang lugar na kinaroroonan ng mag-nobyo matapos na ilang araw silang iniulat na nawawala.














