Arestado ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) kamakalawa sa Maynila ang limang kalalakihan dahil sa paglabag sa election gun ban kaugnay ng iba’t-ibang kaso na kanilang kinasangkutan sa magkakahiwalay na lugar.
Ayon sa MPD-Police Station 1,inaresto si Franciso Narido,21 matapos na magsumbong ang isang concerned citizen dahil sa ginagawa nitong pagwawala habang hawak ang isang pen gun,alas- 10:30 ng gabi sa Mel Lopez Blvd. (Northbound) comer Herbosa Street, Brgy. 110 Tondo, Maynila.
Nakunan naman ng pen gun sa isinagawang Simultaneous Anti Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO ,alas- 11:20 ng gabi ng MPD-PS14 ang suspek na si Ahdrian Beronibla,33, miyembro ng Sputnik Gang at taga – No. 6 Carcer St. Brgy. 393, Quiapo, sa may Arlegui corner C. Aguila Streets Brgy. 387, Quiapo, Maynila.
Nakuha naman sa dalawang holdaper ng mga tauhan ng MPD-PS 9 ang isang pen gun at isang stainless na baril na sina Jimboy Colonares, 32, miyembro ng commando gang; at Bryan Teologi,26,miyembro ng Sputnik Gang.
Ang dalawa ay naaresto matapos inguso ng mga nakakita sa ginawa nilang pangho-holdap kay Jireh Culaway,28,manager Daburu Ramen restaurant dakong alas- 8 ng umaga sa harap ng isang bahay sa No. 985 Kapitan Tikong St. Malate.
Nahuli naman alas- 6:43 ng gabi matapos na pumalag sa Comelec checkpoint na inilagay sa San Fernando St., near corner Asuncion St., Binondo ang suspek na si Mark Anthony Garais , 33 , ng 278 Maginoo St., Barangay 104, Tondo.
Nakuha sa suspek ang isang 9mm Taurus G3c na may wm serial number ABM252748 at magazine may 10 bala.
Nabatid kay PMajor Philipp Ines,hepe ng MPD Public Information Office, na ang lima ay sinampahan ng paglabag sa Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) in relation to the Omnibus Election Code sa Manila Prosecutors’ Office.
Bukod pa dito ang mga demandang isinampa laban sa kanila kaugnay sa mga krimen na kanilang ginawa.














