Latest News

‘LIFETIME’ PASSPORT SA SENIORS, PROTEKSYON NG MAHIRAP SA SCAMMERS, PANUKALA NINA REPS. DIONISIO AT TIENG

By: Jerry S. Tan

Napakaganda ng mga tinalakay na panukalang bill sa Kongreso nina Congressman Ernix Dionisio (Manila, 1st district) at Irwin Tieng (Manila, 5th district) nang ang dalawa ay mag-guest sa ‘MACHRA Balitaan’ na isinagawa ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) sa Harbor View Restaurant sa Ermita, Maynila nitong nakaraang Martes lamang.

Ang panukala ni Dionisio na naipasa na pala sa Kongreso at maaring ipatupad anumang araw mula ngayon ay nagbibigay ng pribilehiyo sa mga senior citizens na magkaroon ng ‘lifetime’ o panghabambuhay nang uri ng passport.


Napakagandang balita para sa mga senior citizens dahil malaki ang kanilang matitipid na oras, pagod at salapi mula pa lamang sa pagpapabalik-balik sa Department of Foreign Affairs (DFA) kapag kukuha o magpapa-renew ng pasaporte. Magagamit pa nila ang perang nakalaang panggastos sa passport para pandagdag sa kanilang mga gamot, dahil bihira naman sa senior citizens ang di gumagastos ng gamot gaya ng maintenance medicines.

Ayon kay Rep. Dionisio, sakop ng kanyang bill lahat ng Pilipino na may edad 60 o pataas at sa distrito pa lang niya ay umaabot na sa mahigit sa 50,000 ang bilang ng senior citizens na nakatakdang makinabang.

Layunin ni Dionisio na gawing madali para sa senior citizens ang pagkuha ng pasaporte, bago man o renewal.


Sa pamamagitan man lamang daw nito ay maiparamdam ng bansa ang pasasalamat sa ating mga senior citizens na gumugol ng kanilang panahon ng kalakasan ng katawan para makatulong sa progreso ng ating bansa.

Napag-alaman ko na inaayos na pala ng DFA ang implementing rules and regulations o IRR ng nasabing pribilehiyo para sa senior citizens. Sa bahagi naman ni Rep. Tieng, nilalayon ng panukalang iniharap niya na protektahan ang publiko laban sa scammers at maparusahan ang mga scammers nang todo.


Sakop ng kanyang panukala ang mga mahihirap, lalo na yaong mga tumatanggap ng allowances na idinadaan sa mga bangko.

Sa bill na ito ay tinitiyak ni Rep. Tieng na mapaparusahan ang mga scammers. Bibigyan nito ng authority ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na mag-imbestiga kung magkakaroon ng report o ma-detect ng system ng mga bangko ang anumang scam o ‘fraudulent transaction.’ Ang mga bangko ay inoobliga na magkaroon ng ‘highest degree of diligence’ at kung sino ‘yung bangko o financial institutions na ‘weak’ o mahina ang system, o kaya ay hindi nagco-comply sa BSP rules ukol dito, maari silang ma-obliga na ibalik ang pera ng apektadong may ari ng account. Sa pamamagitan ng pag-iimbestiga ay malalaman at mahuhuli kaagad ang mga ‘scammers’ lalo na kung sa bangko o financial intermediaries idinadaan ang pera na na-scam nila. Bukod diyan ay may proyekto din si Tieng kung saan ipatatayo sa Maynila ang kauna-unahang cancer center kung saan maaaring humingi ng tulong-medikal ang mga taong may cancer nang walang gastos. Agad na naglaan si Mayor Honey Lacuna ng 2,000 square-meter-lot sa loob ng compound ng Ospital ng Maynila upang doon ilagay ang planong Manila Cancer Center (MCC). Siyempre pa, ikinatutuwa ni Mayor Honey ang pagsuportang ito sa kanyang mga proyekto na makatulong sa mahihirap at sa pagpapalawak ng libreng serbisyo-medikal na libre para sa mga residente ng lungsod.


* * *

Maaaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.



Tags: double tap, jerry s. tan

You May Also Like