Lider ng Duallo criminal group, inaresto sa Bataan ng MPD

By: Baby Cuevas

Dinakip ng mga tauhan ng Manila Police District -Police Station 1 ang lider ng Duallo Group sa isinagawang operasyon noong Martes ng gabi sa Phase 1, Brgy. Mabuco, Hermosa, Bataan.

Ayon sa MPD, ang grupo ng suspek na si Richiepol Abaigar Duallo, 20 , construction worker at residente ng Tabon St., Malaria, Tala, Brgy. 185, Caloocan City ay sangkot sa serye ng holdap sa mga pampasaherong jeep sa Mel Lopez Boulevard at Honorio Lopez Boulevard.


Ang suspek ay naaresto alas- 7 ng gabi ng mga operatiba ng MPD -PS1 sa nabanggit na lugar.

Sinabi ni P Capt Jason Viola ng MPD-PS1 na ang suspek ay sangkot rin sa pagbebenta ng iligal na droga at naaresto sa bisa ng arrest warrant inisyu ni Caloocan City Presiding Judge Rodrigo Flores Pascua Jr. ng RTC Branch 122 na may petsang Setyembre 13,2024, para sa kasong paglabag sa RA 9165 na kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Sa impormasyong nakuha laban sa suspek ang lakad ng grupo nito ay mang-holdap sa umaga ng mga pampasaherong jeep.


Nagpapanggap umanong mga pasahero ang grupo ni Duallo at saka magdedeklara ng holdap.

Samantala, patuloy namang pinaghahanap ng pulisya ang iba pang miyembro ng Duallo Criminal group.


Tags: Manila Police District Police Station 1

You May Also Like

Most Read