Nanatili na iiral ang ‘asynchronous’ o ‘online classes’ sa mga pampublikong paaralan sa Lungsod ng Maynila hanggang sa Marso 11.
Gayunman, hanggang nitong Miyerkoles na lamang ipinatupad sa Lungsod ang ‘Libreng Sakay’, kasabay ng pag-anunsiyo ng mga transport group na tinapos na rin nila ang kanilang inilunsad na isang linggong transport strike bilang pagtutol sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) na isinusulong ng pamahalaan.
“Classes in public schools in all levels will stay in asynchronous classes until March 11, Saturday, as previously announced,” ayon kay Atty Princess Abante, spokesman ni Manila Mayor Honey Lacuna.
“Until today sila (libreng sakay) bi-biyahe. Will post announcement today (Miyerkules),” dagdag pa ni Abante ukol naman sa libreng sakay.
Una nang idineklara ni Lacuna ang pagdaraos ng asynchronous classes sa lahat ng public schools sa lungsod, kasunod ng ikinasang tigil-pasada ng mga pampublikong transportasyon noong Lunes. (JERRY S. TAN)














