NAKATAKDANG maghandog ang Department of Labor and Employment (DOLE), katuwang ang Department of Transportation (DOTr), ng libreng sakay sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) at Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) para sa mga manggagawa sa Mayo 1 (Miyerkules) bilang bahagi ng pagdiriwang ng Labor Day.
Batay sa inilabas na advisory ng DOLE, ang libreng sakay sa LRT-2 at MRT-3 ay maaaring ma-avail ng mga manggagawa mula 7:00AM hanggang 9:00AM at mula 5:00PM hanggang 7:00PM sa Mayo 1.
Ang LRT-2 ang siyang nagdudugtong sa Recto Avenue, Maynila at Antipolo City sa Rizal habang ang MRT-3 naman ay bumabagtas sa EDSA, mula sa North Avenue, Quezon City hanggang sa Taft Avenue, Pasay City.
Kinakailangan lamang umanong magprisinta ng kanilang company IDs ang mga manggagawa upang makakuha ng libreng sakay at sakali naman umanong walang company ID ay tatanggapin rin naman ng mga rail lines ang mga government-issued IDs.
“Handog ng DOLE, katuwang ang Department of Transportation – Philippines, Libreng Sakay sa LRT2 at MRT3 para sa Manggagawa sa darating na Araw ng Paggawa! Ipakita lamang ang inyong company ID (or government-issued ID para sa mga edad 18 pataas),” ayon sa DOLE advisory.














