Latest News

Libo-libong Manilenyo huli sa ‘di paggamit ng face mask

MAHIGIT 5,000 indibidwal ang dinakip sa Maynila sa paglabag sa polisiya ng pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.

Ayon sa ulat ng Manila Police District (MPD), sa nakalipas na linggo ay umabot sa 5,081 indibidwal ang nahuli ng kanilang mga tauhan na hindi nagsusuot ng face mask mula Setyembre 4-10, dagdag pa ang nasa 760 na dinampot nila dahil sa paglabag sa curfew.

Sa kabila nito, binigyan na lamang ng babala ng MPD ang kabuuang 5,841 na kanilang hinuli dahil sa ‘di pagsusuot ng face mask at paglabag sa curfew.

Samantala, aabot sa 3,093 ang inaresto dahil sa paglabag sa iba pang mga ordinansa. nasa 38 ang dinampot dahil sa pag-inom ng alak at 1,579 sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, 747 ang hinuli sa ‘half-naked ordinance’, 635 naman sa obstruksyon, 58 sa pag-ihi sa pampublikong lugar at 36 sa iba pang ordinasa.

Sa mga police operations, nagkasa ang MPD ng 19 na operasyon sa naturang linggo na nagresulta sa pagkakadakip sa 43 na suspek, pagkakakumpiska sa 47.94 gramo ng shabu at 2,001 gramo ng marijuana na may katumbas na halagang P566,112.

May 60 anti-gambling operations rin ang isinagawa na nagresulta naman sa pagkakaaresto sa 160 suspek, nasa P41,213 halaga ng ebidensya ang nakumpiska at 60 kaso ang isinampa sa korte ng pulisya. (Arsenio Tan)

Tags:

You May Also Like

Most Read