KAUGNAY sa ibinababang direktiba ni President Ferdinand R. Marcos, Jr., inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) na paghandaan ang epekto ng iiral na Southwest Monsoon (Habagat), kasunod na rin ng abiso ng state weather bureau na nararanasan ang malalakas na pag-ulan dulot ng Habagat.
Ayon sa DILG, kailangang paghandaan ng mga lokal na pamahalaan ang posibleng epekto ng masamang panahong dulot ng habagat, kasunod ng pagdeklara ng PAGASA ng opisyal na pagsisimula ng tag-ulan.
Sa isang memorandum, inatasan ng DILG ang LGUs na tiyaking handa ang kanilang emergency teams, evacuation centers at contingency plans. Kailangan din umano na magsagawa ng mga drill at paigtingin ang pagbabantay sa mga lugar na delikado sa baha at landslide.
Ang memorandum ay bahagi ng ‘Operation Listo’ program ng ahensya na layong gawing mas matatag at ligtas ang mga komunidad laban sa kalamidad.
“DILG urged LGUs to adopt proactive measures anchored on the Operation L!sto protocols for hydrometeorological hazards to minimize risks to lives, property, and the local economy,” ayon pa sa memorandum circular.
Ang mga LGUs ay inatasan na tiyakin ang kahandaan ng mga Emergency Operations Centers na may sapat na tauhan at kagamitan at buhayin ang Local Incident Management Teams na sinanay sa Incident Command System.
Ang ‘Operation L!sto’ ay flagship disaster preparedness program ng DILG na nagsusulong ng whole-of-government approach sa matatag na local governance.














